hatinggabi sa starbucks, vito cruz
sitenta pesos ang katumbas
ng umuusok na sisidlang
papel, kanlungan ng isang
mapagpanggap na karapatang
lumanghap ng nilalagang
bunga, makinig sa salimbayan
ng mga sinasagasaang yelo,
pinadadausdos na asukal
at pagbubulungan ng mga
naghahanap ng dagliang
pagtakas sa mundo ng mga
kongkretong halimaw sa labas.
sitenta pesos ang katumbas
ng artipisyal na pagkamulat
sa gabing pagal ang katawan
tuwing naglalakbay at
walang kasiguraduhan.
sitenta pesos ang katumbas
nga mga palayang sinuyod,
sinuklay at sinalisihan ng
pananim -- iba naman
ang nakakatikim
sa mababang halaga,
ang kinalinga ng lupa
nagiging ginto ng banyaga
--kinakatawan ng babaeng
kulot at nakakorona,
nanghahalinang magpapasok
nang makaranas.
sitenta pesos ang katumbas:
kape.
leche.
-Vida Soraya Verzosa
(ito ay nilikha habang hinihintay na makapanayam si Elvert BaƱares)