| Bihira ang nakakaalam na ako’y kalahating Muslim.
Kaya minsan, hindi ko alam kung ano ang isasagot ko tuwing tinatanong
ako kung ano ang relihiyon ko. Sinasalubong ko na lang ng ngiti at
sinasabing Kristiyanong Muslim. O Muslim na Kristiyano. Susuklian na
lang ako ng pagtaas ng kilay, pagsambit ng mahabang aaahhhh (yung
tipong akala mo ay nagpapakita ng ngala-ngala sa dentista) o mas
madalas, iibahin ang paksa. Never talk about politics, sex, or religion on the first date. Haler?! No way, pare!
Anyway, kaming magkakapatid ay bininyagang Katoliko at Muslim.
Nagpa-convert kasi si Papa sa Islam para maging matiwasay ang pagsasama
nila ni Mama. Pinagpapawisang sinabi ni Papa, ilang dekada na ang
nakalipas: “I love your daughter very much but I’ve got a problem. I’m
already married.”
Ang sagot ng matanda habang nagtatali ng kanyang kanchu: “That’s no problem. Me, I have 3 wives! You convert to Islam!”
So inayos nila ang papeles, bahagi ng pagsisinop ng proseso ng pagpapalit-relihiyon at kinasal sila ng isang mapagpayong Imam.
Dumalo ang unang asawa ni Papa at ang kanyang mga anak at nagdiwang
silang katulad ni Scheherazade pagkatapos niyang magkuwento ng
isanlibo’t-sanlaksang alamat. Kaya lahat kami, may mga pangalang halaw
sa Arabian Nights or Ali Baba and the Forty Thieves.
Nakalulungkot man isipin, hindi namin gaanong napanindigan ang
pagka-Muslim mula nung namatay si Lolo. Siya lang kasi yung hardcore sa
paghikayat sa aming magbasa ng banal na Qur’an,
magpilgrimahe sa Mecca at Medina, magbigay ng ambag sa mosque, igalang
ang oras ng pagdarasal (limang beses, nakaharap sa Mecca) at pag-iwas
sa pagkain ng baboy. Magkakasundo sila ng Radioactive Sago Project sa
anti-baboy campaigns!
Tuwing hinahalungkat ko ang mga gunita ng kamusmusan, naaalala ko lagi
ang pagdating ni Lolo (si Kapitan Bagsik, kung tawagin siya sa
Zamboanga City). Makikitago kami ng bacon at hotdog sa ref ng
kapitbahay at mamamalengke ng buhay na manok (si Kapitan Bagsik na ang
magkakatay at dadasalan upang maging halal). Babatiin niya kami: “Assalamualaikum,”
at nakapila kaming mamano sa kanya pagkatapos niyang ibaba ang
sari-saring bitbitin, ang mga bungkos ng makukulay na malong, ang
nakabilot niyang flying carpet at mga supot-supot ng durian candy.
Pinaka-astig si Lolo kapag Ramadan, ang ika-siyam na
buwan sa Muslim calendar. Ito kasi ang panahon na ipinadala ang banal
na Qur’an mula sa langit upang maging gabay ng sangkatauhan sa kanilang
kaligtasan. Sa hudyat ng ika-27 na araw ay magaganap ang Laylat-al-Qadr
o gabi ng kapangyarihan. Ayon sa kuwento ni Lolo, sa gabing ito unang
natanggap ni Muhammad ang mensahe ng banal na Qur’an at ang pasya ni
Allah tungkol sa kinabukasan ng daigdig.
Ipinagbabawal ang pagkain, pag-inom at paninigarilyo sa umaga. Sa gabi naman siya tumitikim ng kakaunting handa, ang iftar na may kalakip na dasal. Taimtim siyang magdarasal ng Taraweeh,
na doble o triple pa sa haba ng 5 pang-araw-araw na dasal. Ito ang
panahon na pinatitibay ang ugnayan ng aming pamilya at ng iba pang
miyembro ng pamayanan.
Hay naku. Wish ko lang na mas maraming Pilipino ang makaranas at maging
matapat sa konsepto ng Ramadan. Kung ganoon nga ay tiyak na mas uunlad
ang kalagayan ng Pilipinas. Dahil tuwing Ramadan, ano mang mabuting
makakamit sa pag-aayuno ay masisira ng limang bagay: pagsisinungaling,
pananakwil, huwad na sumpaan, paninirang puri at kasakiman. Therefore,
kapag nag-Ramadan ang mga taga-Malacañang at Batasan, baka mangayayat
sila sa dami ng babawiin nila sa pag--ayuno!
Ang happy ending ng pag-aayuno ay tatlong araw na pagdiriwang ng Eid-al-Fitr.
Edsa Shangri-La mall ang unang pinuntahan namin ni Lolo na may ganitong
handaan. Magaganda ang exhibit at masasarap ang pagkain. Maraming
dates, baklava at iba’t-ibang produktong galing Mindanao. Mababatid ang
kaligayahan sa mukha ng bawat isang dumalo.
Kaso, noong November 26, napakalungkot ng Eid-al-Fitr. Maliban sa
pagkakaroon ng mga make-up classes ng mga professor, pormal na
nagdeklara ng pagtakbo sa papalapit na eleksyon ang isang action star
na ga-kalingkingan lamang ang karanasan sa pamumuno.
Mapapabuntunghininga ka na lang talaga.
Ilang araw matapos ang Eid-al-Fitr, tinanong ko ang
Vice-President for Mindanao ng National Union of Students in the
Philippines, si Paul Omar Gangoso, kung ano ang kalagayan ng mga
Bangsamoro sa Mindanao. Mapait ang ngiti nang siya'y sumambit, “Hayun,
binabagsakan ng Howitzer bombs ang mga bahayan. Kanto-kanto ang mga
detachment at kampong militar, tigil ang kabuhayan ng mga Lumad at
iilan lang ang lugar na masasabi mong ligtas talaga. Siguro, mas
matindi rin ngayon ang diskriminasyong pabaon ng sobinismong Kristiyano
mula nang pumutok ang 9/11 at siyempre, ang paboritong tambakan ng
sisi, ang terorismo. Kesyo Muslim, terorista na daw, hindi pinag-iiba
ang mga lehitimong grupong may pinaglalaban sa mga bandidong Abu
Sayyaf.”
Kalunos-lunos ang sitwasyon ng mga Muslim sa kasalukuyang
panahon dala ng walang habas na militarisasyon. Halimbawa na lang ay
ang magsasakang si Samsudin Bago, isa sa mga pitong sibilyan na
inaakusahang MILF. Siya ay dinukot, labis na pinahirapan at pinugutan
ng mga militar sa Tabak Infantry Division ng Zamboanga del Sur
kamakailan lang. Sa Tangub City naman, tatlo ang nahuling NPA na wala
ng kakayahang lumaban. Sila’y walang awang pinaulanan ng bala, damay
pati ang mg sibilyan katulad ng isang batang babaeng wala pang
kamuwang-muwang.
“Mula nang maupo si GMA, tuloy-tuloy ang ganitong klase ng paglabag sa
mga karapatang pantao,” sabi ni Amirah Ali Lidasan ng Moro-Christian
People’s Alliance (MCPA). "Walang kaseryosohan sa pagharap sa mga kaso
ng pang-aabuso ng kanyang paboritong instrumento para busalan ang mga
naghihinaing. Ni hindi man lang alam ng mga tropang militar ang mga
kasunduang pangkapayapaan katulad ng Comprehensive Agreement on Respect
for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Lasing
kasi si Erap nung linagdaan niya ito kaya hindi nakapagtataka na kahit
si GMA, ay walang pasubali sa mga probisyong nakasaad dito."
Kilo-kilometro na ang talaan ng mga kaso ngunit nakakadismaya pa rin
ang mga huwad na programang pangkapayapaan at pangkaunlaran na
inilalagak ng gobyerno doon. Parang may kalakip na disclaimer:
joke-joke-joke! sa nga programang ito. May paparating nang
International Monitoring Team (IMT) upang obserbahan ang usapang
pangkapayapaan at tigil-putukan sa pagitan ng MILF at GRP. Wish ko lang
na magtagumpay ito, kahit na sa totoo lang, palamuti lang ito ng mga
pulitiko dahil papalapit na ang eleksyon.
Sana hindi lang tuwing Eid-al-Fitr kinikilala ni GMA ang
kabuluhan ng mga pagdiriwang ng iba’t ibang relihiyon at paniniwala ng
mga nakikibakang mamamayan sa Pilipinas. Sana, hindi lang tuwing
Ramadan nailalatag ang mga hakbang tungo sa paghahanda ng pundasyon
para sa tunay na kapayapaan, katarungan at karapatang magsarili o yung
tinatawag na right to self-determination.
Kapag nagkaganito, hindi na kailangang magkaroon ng tunggalian
sa gitna ng iba’t-ibang tipo ng pagsamba at pakikibaka at hindi na rin
ako malilito sa pagitan ng pagiging Muslim o Kristiyano.
############### para sa aking Lolo, si Ismael
"Kapitan Bagsik" Basa Salih. 1914-2000. Zamboanga City. Nagmamahal, ang
iyong munting prinsesang Moro. |